Pinagmulan ng imahe: https://www.flickr.com/photos/bigberto/3918464996
Bulacan, ang “bayang babalik-balikan”, ay nagdiriwang ng ika-439 na taon ng pagkakatatag nito. Ito ay alinsunod sa pinirmahan ni Executive Secretary Salvador C. Medialdea na Proklamasyon Blg. 268 kung saan ang ika-15 ng Agosto, 2017 ay idineklara bilang Natatanging Araw (Non-Working Day) sa buong lalawigan.
Ngayong araw, nakalatag ang programa ng taunang pagdiriwang sa Malolos bilang sentro ng lalawigan na kaalinsabay ng Singkaban Festival. Sa dahon ng kasaysayan, napasulat ang Malolos, Bulacan dahil dito itinatag ang Kapitolyo ng Unang Republika ng Pilipinas. Naging bantog din sa katapangan ang bayang nagmula sa “bulak-lakan” at produktong “bulak”(kapok) nang ipaglaban ng mga Kababaihan ng Malolos ang karapatang matuto at makapag-aral.
Ang Bulacan ay kanlungan at tahanan din ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan. Hindi mapasusubalian ang ulat ng katapangan nila Marcelo Del Pilar, Gregorio Del Pilar, Mariano Ponce at maraming iba pa na may tatak-Bulakenyong kagitingan.
Ang bayang Baliwag, na pinagdausan ng unang halalan, ay nakikiisa sa Natatanging Araw na ito ng paggunita sa makulay at masigasig na pakikipaglaban ng isang bayang hitik sa yaman kung kultura at kasaysayan ang pag-uusapan. Sulong pa, Bulacan!
Ni: Cristina S. Munar