Malaya ka dahil may wika kang sinasalita, daan para magkaunawaan at maipahayag ang iyong nararamdaman. Hindi biro ang pinagdaanan maisakatuparan lamang ang pagdiriwang na sadyang inabangan at inasahan ng karamihan. Hindi rin biro ang pinagdaanan ng wika mo, ng wikang Filipino. Bago tayo magkaroon ng sariling wikang pambansa, di maikakaila ang impluwensiya ng banyaga. Pero dahil nais na tayo ay maging isa, natupad na ang inaasam ng karamihan, ang magkaroon ng kasarinlan dulot ng wikang kinagisnan.
Umalingawngaw ang sigaw, kasabay ng malakas na palakpakan, tanda na eto na nga, ang hinihintay ng karamihan. Ang araw na nagpakaba, nagpasabik at nagpakilig sa akin, sa iyo at sa ating lahat. Ang galing at husay ng isang Sagradan ay hindi lang sa loob ng silid-aralan masisilayan. Sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa noong nakaraang Biyernes, Agosto 11 taong kasalukuyan, ibang-iba ka na nga Sagradan, mula sa nakakubli at namimighati…heto ka na, nagdulot ng ngiti sa maraming labi.
Lubos na pasasalamat ang bati sa lahat, sa pakikiisa at pagtulong para tagumpay ay makamtan. Iyong pakatandaan na anoman ang mayroon ka ay biyayang kaloob ng Poong Maykapal. Tangi Niyang hiling, angking talento ay gamitin at pagyamanin.
Mabuhay ka Sagradan! Napakahusay mo sa iba’t ibang Larangan! Salamat Panginoon sa Iyong Kadakilaan! Tunay ngang kaligayahan ay walang pagsidlan.
Isinulat ni Bb. Roan I. Estay