Bilang pakikiisa sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika nagdaos ang mga bata at guro sa preschool ng isang pagbabalik-tanaw sa mga larong nagbigay saya at aliw sa mga batang Pilipino noon.
Sa panahon na hindi pa uso ang iba’t ibang gadget na dala ng teknolohiya at kahit tanging simpleng mga bagay sa paligid ay kaya ng magbigay saya.
Ang mga larong gaya ng “tumbang preso,” “patintero,” piko,” “hampas palayok,” “agawang panyo” at “pabitin” ay ilan lamang sa mga nakatutuwang larong Pinoy na siyang binigyang-buhay muli ng mga munting bata ng Sagrada sa tulong ng kanilang mga gurong kitang-kita rin ang kaligayahan at kagalakan sa pagbabahagi ng larong kanilang noo’y kinagisnan.
Takbo, talon , tago , sadyang nakakapagod ngunit hindi talaga matatawaran ang mga halakhak, kasabikan at paghanga ng mga bata sa larong di pa man nila lubusang maunawaan ngunit lubusan na ang kanilang kaligayahan na ang mga ito ay unti-unti nilang matutuhan.
Pagkakaisa, pagtutulungan, pag-unawa at pagmamahal sa sariling atin, ilan lamang iyan sa nais ituro sa mga batang Sagradan sa kanilang murang edad. Hindi maikakaila na tunay ngang buhay ang nasyonalismo sa isang simpleng pagdiriwang na tatak sa puso at isip ng kabataang Pilipino.
Isang pagdiriwang, isang paggunita. Halina’t maglaro, sariwain ang Pagka-Pilipino. Mabuhay ka Sagrada! Lipad Batang Sagradan!
#Nasyonalismo #LumipadKaSagradan
Sinulat Ni: Aljean DR. Pascual