“Masaya pa rin ako sapagkat hindi man ako nasa ikauna, ikalawa, o ikatlo, ikinararangal ko na makapagsalita sa harap ng aking mga katunggali at sa mga hurado.”
Hindi man pinalad na umusad sa susunod na lebel ng kompetisyon, wagi pa rin sa puso ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF) si Alson James Tagalag nang makamit niya ang ika-siyam na karangalan sa Talumpating Di-Handa (Junior Highschool Level) sa Bulacan Private Schools Association (BulPriSA) District III Meet na idinaos sa Living Angels Christian Academy, Baliwag, Bulacan, Setyembre 17.
Nakabase ang talumpati sa paksang “Ngiti, Panalo Tayo” na nakatakdang pag-isipan nang tatlong minuto at sabihin sa loob ng dalawa hanggang tatlong minuto kada kalahok na nasa 12 na mananalita.
“Madali lamang ito sapagkat ang tunay na panalo ay kapag masaya ka sa ginagawa mo kaya’t nasabi ko ang dapat kong sabihin,” ani Tagalag.
Ibayong pagsasanay ang ginawa ni Tagalag tulad ng palagiang pagbabasa ng mga gintong salita mula sa mga prominenteng tao, panonood ng mga talumpati sa internet, at gayundin ang pagsasalita sa harap ng tao.
Kasa-kasama niya rin lagi sa pagsasanay sina G. Juan Antonio Victoria at Bb. Kristiana Magtalas na nagbibigay sa kanya ng iba’t ibang paksa at tumutulong sa kung paano ang tamang istilo sa paglalahad ng mga ideya nais sabihin.
Kilala si Alson, estudyante sa ika-10 baitang, bilang isang mahusay na makata na nagnanais makapagbahagi, hindi lamang ng mabubulaklak na salita, kundi para makapagbigay din ng mga kaalaman at makapagpahiwatig ng nararamdaman.
“Nagpapasalamat ako dahil binigyan nila ako ng tiwala upang irepresenta ang aking paaralan at sa mga ‘di nagsawang suportahan ako,” dagdag pa niya.
#BULPRISA2018 #CulturalEvents #TalumpatingHanda #SoarHighSagradans #SagradansUniteSagradansFight
Ni Argy E. Gatdula