Magkahalong lungkot at saya ang nadama ng mga tiga-suporta ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF) Sagradan Knights, nang mabigong talunin ng Elementary Division nito ang defending champions Baliwag South Central School (BSCS), 36-38, habang tagumpay namang naagaw ng High school Division ang panalo mula sa Mariano Ponce National High School (MPNHS), 55-54, sa ikalawang MFVE Basketball Developmental League nitong Sabado na ginanap sa Baliwag Star Arena.
Bagamat natalo ay naging maganda naman ang ipinakitang laban ng Elem Knights kung saan mahigpit na depensa at opensa ang ipinantapat nila sa dating kampeon na BSCS, ngunit hindi ito naging sapat upang tapatan ang stratehiya ng nasabing kopunan.
Nangibabaw ang dalawang manlalaro ng Knights na sina France Aeron Santos at Andrei Benedict Buco matapos silang makapagbuslo ng pito at apat na puntos, iyan ay dulot ng kanilang matinding pagsasanay na humasa sa kanilang angking talento.
Sa kabilang dako naman, nagdiwang ang mga tiga-suporta ng HS Knights, matapos nilang matagumpay na mailusot ang panalo mula sa MPNHS.
Naging mahirap ang umpisa ng laban para sa Knights, dahil nagawang ilayo ng MPNHS ang kalamangan sa una at ikalawang bahagi ng laro, 25-32.
Ngunit nagawa nilang humabol sa ikatlo at ika-apat na bahagi ng laban, gamit ang agresibong opensa at matibay na depensa patungo sa isang overtime matapos nilang itabla ang iskor na 48-all sa pagtatapos ng regulation.
Malaking oportunidad para sa Knights ang overtime kaya’t ibinigay na nila ang kanilang lahat upang maangkin ang panalo 55-54, na nagbunsad upang umalingawngaw sa buong arena ang hiyawan ng kanilang mga tiga-suporta.
Pinangunahan ng team captain ng Knights na si Cyd Joseph Cruz ang pakikipagtunggali sa kalabang kopunan kung saan tagumpay siyang nakapagbuslo ng 17 na puntos, sinaklolohan naman siya ng beteranong manlalaro na si Sean Martin Mangulabnan na nakapag-ambag naman ng 13 puntos sa kabuuan ng laban.
Sunod na makakaharap ng Elementary Division ng Knights ang koponan ng Baliuag University, habang makakabangga naman ng High School Division ang koponan ng Integrated College of Business & Technology sa susunod na Huwebes, Agosto 15.
#SoarhighSagradans #SagradanSportsProgram #SagradanKnights