BATAY sa isinagawang sarbey ng Ang Sagradan noong Oktubre 21-25, mula sa 977 na mag-aaral ng Montessori De Sagrada Famila (MDSF), nasa 242 ang may mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Bb. Jean A. Ortiz, Counselling and Testing officer ng MDSF, mahalaga na maging sensitibo ang mga guro sa mga ganitong mag-aaral sapagkat mahirap ang sitwasyon na wala ang kanilang mga totoong mga magulang upang gabayan sila.
“Minsan ay nagreresulta ito sa pagrerebelde, mag-self-harm, mag-cutting classes, at iba pa. Dahil hindi sila lumaki kasama ang totoo nilang nurturer, sila ang may cases na may trust issues and they have unstable emotions,” paglalahad niya.
Batay sa sarbey, lumalabas na sa Grade 7 ang may pinakamaraming mag-aaral na may magulang na nasa abroad, na may kabuuang bilang na 62. Sinundan naman ito ng Grade 8 na may 49, Grade 10 na may 44, Grade 9 na may 36, Grade 12 na may 27, at Grade 11 ba na may 24.
Dagdag pa niya, miscommunication ang isa sa mga negatibong epekto ng pagkakaroon ng OFW na parent.
“Minsan iba ang gustong marinig ng bata do’n sa sinasabi ng magulang. Miscommunication na nagli-lead sa misunderstanding to the point na hindi na siya magsasabi kay parent,” aniya.
Naniniwala rin siya na dapat tutukan ang bilang ng mga mag-aaral na ang mga magulang ay nasa Pilipinas ngunit labis namang abala sa pagtatrabaho. Naniniwala siya na mas kritikal pa diumano ang ipinapakitang behavior ng mga batang ito kaysa sa mga batang ang mga magulang ay nasa ibang bansa.
“The parents become neglectful not intentionally, but because they prioritize monetary needs of their children. Kung minsan pa nga, it is more difficult to deal with them kaysa sa mga parent na nasa ibang bansa dahil kahit papaano may naiiwan sa kanila as mediator upang ipaintindi ang sitwasyon,” paliwanag niya.
Bilang pagtugon, nagkakaroon ng regular na counselling sessions ang guidance office sa mga batang may mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa at sa may mga magulang na abala naman sa pagtatrabaho.
Karagdagan pa, naniniwala siya na mahalagang maturuan ang mga batang ito ng kahalagahan ng pagiging “grateful” sa kabila ng kanilang sitwasyon.
“The generation that we have right now is thinking na hindi naman namin hinihingi na mag-OFW sila e. So, ipinapa- realize namin sa kanila how grateful they should be, na yes it is not your choice but it is their choice for you. They chose na lumayo, hoping to give you a better future,” pagtatapos niya.
Ni Alson James M. Tagalag
#SagradanSenseofFamily