PARA din ito sa kanilang kaligtasan.
Mariing ipinaliwanag ni G. Glenn Paul G. Beltran na mahalagang maipatupad ang “No license, no parking” sa Montessori De Sagrada Familia (MDSF) upang mapilitan ang mga mag-aaral at kawani ng paaralan na sumunod sa batas at kumuha ng driver’s license para na rin sa kanilang kaligtasan.
Ayon sa kanya, maraming mag-aaral ng MDSF ang nagmamay-ari na ng sasakyan bukod sa single ay mayroon ding four wheels, gayundin ang ilang kawani ng paaralan.
“Kailangan talaga nating maghigpit diyan kasi kapag may nangyaring aksidente halimbawa sa loob o malapit sa paaralan, liability ng school ‘yon,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, ang ilang mga mag-aaral ay pinapayagan na ng kanilang mga magulang na magdala ng sasakyan na hindi iniisip ang kapahamakang maaaring idulot nito.
“Ayon sa LTO [Land Transportation Office], dapat nasa edad 17 ay may student permit na, so age 16 pababa wala pa dapat silang sasakyan at hindi pa rin dapat sila magmaneho,” paggigiit niya.
Sa implementasyon nito, hindi na pinayagan ang mga mag-aaral maging ang kawani ng MDSF na mag-park sa parking spaces ng paaralan na walang lisensya. Sa kabila nito, aminado siya na may ilan pa ring lumalabag dito at may ilan namang mag-aaral na nagpapark naman sa ibang parking spaces na malapit sa MDSF.
“Naging effective siya dahil may mga sumunod, pero dahil may ilan pa ring nagdadala batay sa aking obserbasyon. Pero we are coordinating with the Student Well-Being Office to help us in the implementation at binabalak din namin na magkaroon ng sticker para sa parking para ma-monitor talaga,” ani Beltran.
Bago ang implementasyon nito nagkaroon muna ng seminar patungkol sa road safety para sa mga mag-aaral ng MDSF noong Setyembre 23, kung saan ay bahagi ito ng information campaign ng LTO. Binigyan din ng liham ang mga magulang patungkol sa naturang polisiya bago ito ipatupad sa buong paaralan, ayon sa kanya.
Ni Oliver SP. Claudio II
#SagradanExcellence #SagradanSelfDiscipline