Kung wala sila, walang kaning kakainin ang mga Pilipino.
Isang kahungkagan ang sinasabi ni Sen. Cynthia Villar na “false information” lamang ang kumakalat na balita na bumaba sa P6-P10 ang halaga ng bigas na naibebenta ngayon ng mga magsasakang Pilipino dahil sa pagdagsa ng mga imported rice dulot ng implementasyon ng Rice Tarrification Law (RA 11203). Palibhasa’y nakaupo lamang siya sa senado at hindi nararanasan ang tunay na paghihirap ng mga magsasaka sa kanilang sakahan.
Sa pagpapatupad ng Rice Tarrification Law sa bansa, dumagsa ang bilang ng mga nagbebenta ng bigas hanggang sa dinomina ng maraming pribadong namumuhunan, hanggang sa huli, nalugi ang mga mahihirap na magsasakang Pilipino na pikitmatang ibinebenta ang kanilang bigas sa pinakamababang presyo. Hindi sapat ang luha mula sa kanilang mga mata para masabi ang hindi makatarungang hakbang na ito ng pamahalaan.
Dahil sa mas naging maluwag ang regularisasyon sa bigas, nagsilbi itong oportunidad sa ilang mga pribadong namumuhunan na umangkat ng bigas mula sa ibang bansa na kanilang naibebenta sa murang halaga. Ito ang labis na nagpalala sa sitwasyon ng mga magsasakang Pilipino. Dahil sa pagdagsa ng mga imported na bigas na mas tinatangkilik na ng maraming mamimili, nalugmok sa kawalan ang mga pagod at hirap nating mga magsasaka na napilitang ibenta ang kanilang inaning bigas sa pinakamababang presyo. Sino ba naman ang hindi madidismaya na ang ilang buwan na pinaghirapang itanim at anihin ay ibebenta lamang sa halagang P6 o P7? Totoong hindi makatarungan at nakakawala ng dangal. Hirap at pagod na nga sila sa pagsasaka, mukhang mahihirapan at mapapagod din silang lumaban para sa kumakalam na sikmura ng kanilang pamilya.
Ipinapangako ng nasabing batas na maisasaayos ang sistema ng bigasan sa Pilipinas at inaasahang makakatulong ito sa mga magsasakang Pilipino. Layunin ng batas na mapigilan ang posibleng labis na pagtaas ng presyo ng bigas, pagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas, at pagkakaroon ng korapsyon at kartel sa bansa. Ngunit tila kabaligtaran ang nangyayari.
Wala namang masama sa pagpapatupad ng isang batas para sa regulasyon ng bigas ngunit sana ito ay napag-aralang mabuti at sana ay naging mapagbantay ang Department of Agriculture (DA) sa mga abusado. May regulasyon nga pero hindi naman tama ang implementasyon.
Hindi madaling magtanim nang maaga na hindi pa sumisikat ang araw mula sa silangan. Pero mas mahirap muling buhayin ang kultura ng pagsasaka na kinamulatan ng bayang sinilangan kapag ito ay namatay. Nakatatakot na baka tuluyan nang iwanan ng 200,000 magsasakang ang hanapbuhay, ayon sa Senate Resolution No. 36 ni Senator Kiko Pangilinan dahil sa negatibong epekto ng iregularidad sa implementasyon ng Rice Tarrification Law.
Kung wala ang mga magsasaka, walang kanin na kakainin ang mga Pilipino. Iyan ang katotohanan. Respeto naman sana para sa mga magsasakang dapat dinadakila at pinapahalagahan.