Nagningning ang diwa ng Pasko ng mga mag-aaral ng Montessori De Sagrada Familia, Inc. (MDSF) matapos ang kanilang taunang Paskuhan Concert sa High School Parking Grounds ng MDSF nitong Biyernes, Disyembre 14, 2024.
Tampok sa nasabing programa ang kaabang-abang na Christmas Tree Lighting, isang Pyromusical Show, at iba’t-ibang food at game booths na nagbigay saya at aliw sa mga manonood.
Kasama sa panibagong tema ngayong taon na “Dream Bigger, Do Better, and Soar Higher,” ang layunin ng paaralang mapagbuklod-buklod ang iba’t-ibang departamento mula preschool hanggang high school, kasama ang kanilang mga pamilya’t kaibigan, sa pamamagitan ng isang pagtatanghal.
Upang magbalik-tanaw sa naging karanasan ng MDSF 27 taon na ang nakalipas, pinangunahan ni Serene Arreola, isang estudyante mula sa ikalawang-baitang, ang programa nang ipinamalas niya ang kaniyang talento sa interpretative dance.
Sinundan ito ng mga piling mag-aaral na nagpakitang-gilas sa pagkanta, pagsayaw, at pagtugtog ng banda, na nagbigay inspirasyon at nagpaantig sa mga puso ng mga dumalo.
Hindi naman nagpahuli ang mga magigiting na guro nang sabay-sabay silang kumanta at sumayaw, upang makabuo ng iba’t-ibang performances.
Sa naging panayam kay Paula Czyrille Santiago, isang mag-aaral mula sa ika-sampung baitang, labis niyang ikinatuwa ang kinalabasan ng Paskuhan ngayong taon.
“Talagang pinaghandaan po talaga yung mga performances, ang gagaling nung mga students and teachers… an unforgettable experience ika nga nila.” dadgag pa niya.
Bago ang inaabangang Christmas Tree Lighting at fireworks, humingi ng pasasalamat ang School Directress ng MDSF na si Ma. Cristina Silamor, sa lahat ng dumalo, nakisaya, at naging bahagi ng Paskuhan ngayong taon.
Kasama sa kaniyang closing statement ang plano ng paaralang ituloy ang ganitong klase ng selebrasyon sa mga susunod pa nilang anibersaryo “The Paskuhan sa Sagrada is the main event of our yearly celebration since last year… and we’re going to do it again!” aniya.
Natapos ang programa nang umilaw ang malaking Christmas Tree kasabay nang pagputok ng makukulay na fireworks, na nasilayan naman ng lahat ng taong imbitado.
Sulat ni: Victor Albert Javier
Kuha ni: Jashley Megayle Sangil
#SagradanPenpushers #WeMakeSense #TheLeagueofProficientCommunicators #TheSagradan #AngSagradan