Huli man daw at magaling, maihahabol din. Iyan ang naging tugon ng Homemaker’s Club ng mababang paaralang ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF) nang ipagdiwang nito ang selebrasyon ng buwan ng nutrisyon sa bulwagan ng paaralan, ika-18 ng Agosto.
Napuno ng hiyawan at palakpakan nang opisyal na buksan ng mga gurong tagapayo ng Homemaker’s Club na sina Bb. Kristiana G. Magtalas at Bb. Cesiah D. Yambao ang palatuntunan sa pamamagitan ng isang zumba. Umindak at ipinamalas ng lahat ng mag-aaral ang kanilang husay sa pagsayaw na pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa ikalima at ikaanim na baitang.
Naghanda rin ang pamunuan ng naturang samahan ng mga gawain na nagpamalas ng galing ng mga mag-aaral sa iba’t-ibang uri ng laro na kanila namang binigyan ng kakaibang gawi. Lahat ng mga naturang laro ay may kinalaman sa mga pagkain, kalusugan at nutrisyon. Sa bawat pagtatapos ng laro ay nagbibigay ng trivia ang mga guro ng palatuntunan.
Gayundin, isang palaro ang inihanda ng Homemaker’s Club para sa mga guro kung saan sila ay nagpabilisan sa pag-ubos ng mga pagkain na nasa loob ng kahon. Layon nito na ipakita sa mga bata na ugaling kumain ng mga masusustansyang pagkain araw-araw.
Samantala, sa pagtatapos ng programa ay binigyang parangal ang mga nagwagi sa patimpalak sa pagkukulay at pagsulat ng kasabihan para sa mga mag-aaral ng Level 1, at paligsahan sa paggawa ng poster at islogan para sa mga mag-aaral ng Level 2 na ginanap noong Huwebes, ika-17 ng Agosto.
Binigyang parangal din ang Green Team bilang kampyeon na nagtala ng pinakamataas na naipong puntos mula sa iba’t-ibang laro. Ang nasabing team ay kinabibilangan ng mga mag-aaral ng 1-Sardonyx, 2-Spinel, 3-Aquamarine, 4-Topaz, 5-Morganite, at 6-Sunstone.
Bilang wakas, binigyang diin nina Bb. Cess at Tiana at ng buong samahan ang kahalagahan ng healthy diet sa murang edad alinsunod sa temang bigay ng Department of Health na “Healthy Diet, Gawing Habit For Life”.
Ang homemaker’s club ay pinamumunuan ng pangulo nito na si Rheena Ghia D. Medrano ng 6-Moonstone.
Ni. Jomar A. Dela Cruz