Isang patimpalak sa pag-awit ang ginanap sa bulwagan ng paaralan ng Montessori De Sagrada Familia bilang bahagi ng padiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa pangunguna ng Filipino Club ng mababang paaralan, ika-31 ng Agosto.
Pinamalas ng siyam na mga batang mag-aaral mula una hanggang ikatlong baitang ang kanilang husay sa pag-awit. Ang bawat kalahok ay nagpakita ng galing sa pagkanta ng mga orihinal na musikang Filipino.
Layon ng naturang patimpalak na imulat ang bawat isang Sagradan sa gandang hatid ng mga awiting nilikha ng mga Pilipinong kompositor at mang-aawit. Gayundin, nais nitong mamutawi sa puso ng bawat isang miyembro ng kumunidad ng MDSF ang pagmamahal sa sariling atin.
Samantala, hinusgahan ang naturang patimpalak sa pag-awit ng mga gurong Sagradan na may malalim na pagmamahal sa musika. Sila rin ay may kanya-kanyang galing sa larangan ng pag-kanta. Pinangunahan nina G. Vhon Joseph Solomon at Bb. Roan Estay ng mataas na paaralan ng MDSF ang lupon ng inampalan. Kasama rin nila sina G. Gion Franko Ordoñez ng sangay ng elementarya at Gng. Herlin Nica Silvestre na galing sa departamento ng preschool.
Sa pagtatapos ng paligsahan ay tinanghal na kampyeon si Akiesha Nicole Singh mula sa unang baitang. Pumangalawa sa kanya si Ziane Rose Ocampo ng ikalawang baitang. Nakuha naman ni Sean Tyler Velasco na nagmula ulit sa unang baitang ang ikatlong pwesto.
Nagsilbing guro ng palatuntunan sina G. Julius Fabian at Bb. Jennylou Fuentebella na kapwa tagapaya ng Filipino Club.
Isinulat ni: Jomar A. Dela Cruz