Kinilala bilang panlima sa pinakamahusay at namumukod tanging pampaaralang pahayagan ang “Ang Sagradan” ng Montessori de Sagrada Familia sa buong Gitnang Luzon nitong ika-pito ng Pebrero sa Otel Pampanga, San Fernando City.
Binigyan din ng parangal ang bawa’t pahinang nakasungkit ng puwesto, partikular na ang mga sumusunod: Pahinang Lathalain (ikalawang puwesto), Pahinang Balita (ika-anim na puwesto), at Pahinang Editoryal (ika-pitong puwesto).
Nagawa nang patunayan ng mga mamamahayag ng nasabing pahayagan ang kanilang husay, katatagan, at pagkakaisa upang maibigay sa kanilang paaralan ang ibayong tagumpay.
“Labis na kagalakan at pagkabigla ang naramdaman ko matapos malaman na nanalo kami. Hindi ko ito inaasahan dahil sobrang gipit kami sa oras at marami pang dapat ayusin at tapusin, ngunit sadyang masisipag at pursigido ang mga manunulat ng pahayagan. Labis kong hinangaan ang mga batang ‘di sumuko at pinagpatuloy ito hanggang sa matapos,” ani Bb. Roan Estay, gurong tagapayo ng Ang Sagradan.
Dahil sa pagkapanalong ito, masasabi nang maganda ang hinaharap para sa pahayagan na makakatulong sa patuloy nitong paglago at pag-usad upang makakuha ng dagdag na karangalan para sa paaralan.
“Naniniwala ako na ito ang magiging motibasyon ng mga susunod na miyembro ng “Ang Sagradan” upang muling magsumikap, magpursige, at lumaban na may ngiti sa kanilang mga labi,” pagtatapos ni Bb. Estay.
Binubuo ang pamatnugutan ng “Ang Sagradan” nina: Jherome Brylle Woody Santos (Punong Patnugot), Juvy Fey San Jose (Katuwang na Patnugot), Mark Jester Macalino (Tagapangasiwa ng Sirkulasyon), Argy Gatdula (Patnugot ng Balita), Justine Andrea Panlaqui (Patnugot ng Pangulong Tudling), Katleen Rose Garcia (Patnugot ng Lathalain), Steven Franz Cunanan (Patnugot ng Agham at Teknolohiya), James Bernard Mangulabnan (Patnugot ng Isports), Asthana Agee Yulo ( Tagakuha ng Larawan), Mark Gerold Fernandez (Tagaguhit ng Larawan), Marian Elizabeth Quinto (Pag-uulo at Pagwawasto ng Balita), at nina Radyn Matthew Punla, Christopher Tejero, at Joshua Esguerra (Tagapag-anyo ng Pahina sa ilalim ng paggabay nina Roan Estay (Tagapayo) at Juan Antonio Victoria (Katuwang na Tagapayo).