“Isang achievement sa akin na mapatunayan ko na ang galing ng isang tao ay hindi nasusukat sa kanyang edad. Nasusukat ang galing mo sa ‘passion’ mo na makapag-inspire at mag-convey ng message.”
Ito ang tinuran ni Gian Somere Quiambao Montano, mag-aaral mula sa ika-8 baitang, makaraan niyang itaas ang pangalan ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF) nang masungkit ang kampeonato sa Talumpating Handa (Junior High School Level) sa Bulacan Private Schools Association (BulPriSA) District III Meet 2018 na ginanap sa Living Angels Christian Academy (LACA), Baliwag, Bulacan, Setyembre 17.
“Hindi ko na lang inisip na grade eight student lang ako then higher levels ang mga kalaban ko sa BulPriSA. Pero ngayong highschool, medyo nagduda ako kasi hindi ko pa alam yung environment na haharapin ko sa mismong event,” pahayag ni Montano.
Nakabatay ang naturang talumpati sa temang “BulPriSA: Nagpapalakas sa mga Kabataan Bilang Tagapagtaguyod ng Panlipunang Pagbabago” na pinaglabanan ng nasa humigit-kumulang 14 na kalahok na nagmula sa iba’t ibang paaralan sa ikatlong distrito ng Bulacan.
“Nung tinawag ako para sa unang pwesto, sobrang saya ko dahil napakalaking karangalan nito. Naramdaman ko rin na sulit ang lahat ng oras at pagod ko sa pagpa-practice at isang achievement sa akin ito,” aniya.
Mas lalong nahasa ang kanyang kakayahan at talento sa pagsasalita sa tulong ng kanyang mga gurong-tagapagsanay na sina G. Juan Antonio Victoria at Bb. Kristiana Magtalas.
“Nagte-train ako araw-araw. Bawal uminom ng malamig, kumain ng matamis, magpuyat, at higit sa lahat, vocalization o warm up tuwing umaga,” sabi niya tungkol sa mga ginagawa niyang pag-eensayo.
“Gusto kong pasalamatan ang lahat ng mga taong sumuporta sa akin simula pa noong una dahil sila ang nasa likod ng bawat tagumpay ko. Hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung hindi dahil sa kanila,” ang masayang sambit ng kampeon para sa mga tinatawag niyang ‘Angels’ na patuloy na gumagabay sa kanya sa simula pa lang ng kanyang paglalakbay.
Samantala, si Somere ay dati nang lumalaban sa iba’t ibang patimpalak sa BulPriSA noong siya ay nasa elementary level pa lamang at ilan sa mga sinalihan niya ay paligsahan sa Pagtula gayundin sa Matematika.
Dagdag pa, sa kabila ng paghahanda para sa nasabing kompetisyon, ang pagiging responsable at maayos na pagbabalanse ng oras ang sikreto niya upang hindi niya mapabayaan ang kanyang pag-aaral.
#BULPRISA2018 #CulturalEvents #GoldMedalistTalumpatingHanda #SoarHighSagradans
#SagradansUniteSagradansFight
Ni Argy E. Gatdula