MDSF celebrates Buwan ng Wika 2026 through language, creativity, and the joy of Filipino culture
Sa bawat salitang binibigkas, kwentong isinasalaysay, larong nilalaro, at awiting inaawit, muling nabubuhay ang kulturang Pilipino.
Sa natapos na Buwan ng Wika 2026, naging makulay na pagdiriwang ang selebrasyon sa Montessori De Sagrada Familia (MDSF), tampok ang “Wika’t HirAIya” para sa High School at “Balik Laro, Balik Kultura: Laro ng Lahi, Saya’y Walang Kahati” para sa Elementarya.
Mula ika-13 hanggang ika-26 ng Agosto, itinampok ng bawat departamento ang talino at pagkamalikhain ng mga Sagradan sa pamamagitan ng Filipino Content Creator Challenge para sa High School at AlpaBET Ko ‘To! at FilipinKNOW para sa Elementarya. Ipinamalas din ng mga mag-aaral ang kanilang talento sa tradisyunal na pagguhit, pagtula, at pag-awit.
Bilang bahagi rin ng pagdiriwang, ipinakilala ng mga guro sa mga batang Sagradan ang mga Laro ng Lahi tulad ng Patintero, Tumbang Preso, at Piko, mga larong nagbalik-gunita sa masasayang karanasang kinalakihan ng maraming Pilipino.
Pagsapit ng ika-27 ng Agosto, nagsama-sama ang komunidad ng MDSF para sa Buwan ng Wika Culminating Day. Tampok dito ang Character Parade, Filipino Cultural Contests, Paligsahan ng Lahi, at ang masayang Pistang Sagrada.
Sa panahong mabilis ang pagbabago at patuloy ang pag-unlad ng teknolohiya, ipinakita ng pagdiriwang na hindi kailangang iwan ang sariling kultura upang makasabay sa makabagong mundo. Sa halip, maaari itong dalhin, muling likhain, at ipagdiwang sa mga makabago at malikhaing paraan.
Dahil ang wika ay higit pa sa mga salita, ito ay alaala, pagkakakilanlan, at kulturang ipinapasa sa bawat henerasyon.
At sa MDSF, ngayong Buwan ng Wika, bumalik ang laro, nabuhay ang kultura, at walang kahati ang saya.
