Bago matapos ang buwan ng Agosto, pinahanga muna ng mga piling mag-aaral mula sa ika-6 na baitang ang mga manonood. Nagpamalas sila ng husay sa spoken poetry bilang pampasiglang bilang sa nakaraang selebrasyon ng Buwan ng Wika na ginanap sa MDSF Gym.
Natunghayan ng mga mag-aaral mula baitang 1-6 nang maghatid ng pampasiglang bilang ang mga mag-aaral na sina Kim Ren Mar S. San Jose at Breanne Shanelle L. Millan ng pangkat Moonstone, gayundin si Dashtin Kyle DC. Legara na nagmula naman sa pangkat PetoskeyStone sa kakatapos lang na pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “Filipino: Wikang Mapagbago.”
Tangan ang husay sa pagsasalita na nilapatan ng masidhing emosyon at binigyang-buhay ng mga natatanging mag-aaral ang bawat titik na kanilang ibinabato sa madla.
Sa isang panayam kina San Jose, Millan, at Libera, inamin ng tatlo na masaya sila sa tuwing nagtatanghal sila ng spoken poetry. Ang spoken poetry ay ang masining na pagsasalita na kumukurot sa puso ng bawat isang tagapakinig nito dahil sa maalab na damdamin na kaakibat ng bawat salita na namumutawi sa bibig ng manunula.
Isinulat ni: Robert C. Aquino