Ngayong may Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng COVID 19 pandemic, nakararanas ka ba ng labis na pagkabagot? Ingat, baka may “cabin fever” ka na.
Huwag mag-alala, hindi naman nakamamatay ang cabin fever. Katunayan, isa lamang itong negatibong emosyon na nararanasan ng isang tao dahil sa labis na pagkabagot dahil na rin sa kawalan ng ginagawa sa mahabang panahon o maaaring dahil natigil ang mga normal na gawain sa araw-araw dahil sa isang sitwasyon katulad na lamang ng pagpapatupad ng ECQ at total lockdown sa ilang lugar sa bansa dahil na rin sa COVID 19.
Sa isang artikulong inilathala sa website ng Cable News Network (CNN), ipinaliwanag ni Vaile Wright, isang sikolohista at direktor ng clinical research ng American Psychological Association (APA), na ang cabin fever ay nauugnay sa pagkakaroon ng mga negatibong pakiramdam katulad ng pagkabalisa, pagkabagot, kawalan ng pag-asa, at hirap mag-concentrate. Ilan ito sa mga sintomas na maaaring maranasan ng isang tao. Hindi lahat ay nakararanas ng magkatulad na mga sintomas, ngunit karamihan sa mga nakararanas ng sakit na ito ay nakararamdam ng pagiging iritable, labis na pagkahilig sa pagkain o “food craving” at panghihina. Ayon pa sa artikulo, inuugnay ang pinagmulan ng salitang “cabin fever” noong 1900s sa North America na tumutukoy sa mga taong naiiwang mag-isa sa isang lugar o sa isang “cabin” lalo na sa panahon ng taglamig.
Ngayong pinalawig hanggang May 15 ang ECQ sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID 19, maaaring maranasan mo ang cabin fever lalo na kung ikaw ay isang taong “extrovert” o taong mahilig makisalamuha sa ibang tao. Para maiwasan ito, simple lang naman ang dapat gawin—maging abala. Gamitin ang pagkakataon na marami kang oras na pwede mong ilaan sa ilang mga kapaki-pakinabang na mga gawain katulad ng pag-eehersisyo na nakatutulong sa pagpapababa ng mga stress hormone katulad ng cortisol. Nakatutulong din ito upang maglabas ang utak ng endorphins na responsable sa kasiyahan ng isang tao.
Gamitin din ang pagkakataon na ito upang mapanatili ang koneksyon sa pamilya at mga kaibigan. Paunlarin ang sariling kakayahan at tuklasin ang ilang mga bagay na kaya mo naman palang gawin. Maaari din namang ilaan ang oras sa pag-aaral o sa iba pang libangan tulad ng pagbabasa, pagkanta, pagsasayaw, at paglalaro ng ilang sports. Marami kang pwedeng gawin upang malabanan ang cabin fever.
Hindi naman kailangang magtiis dahil sa paghihintay na matapos na ang ECQ. Ilaan ang oras na mayroon ka sa mga kapaki-pakinabang na mga gawain na magagamit mo upang paunlarin ang sarili at upang malabanan ang cabin fever.
Pinagkunan: Rogers, K. (2020, March 19). Do I have ‘cabin fever?’ What it is, how to ‘cure’ it. Cable News Network. https://edition.cnn.com/2020/03/19/health/coronavirus-cabin-fever-definition-quarantine-wellness/index.html
Isinulat nina: Steven Franz T. Cunanan, Hasmina Kyla T. Sarip, at Paul Benedict B. Cano