“Kabataang BulPriSAn, manatili kang pag-asa, galing ay ipamalas.” Ito ang huling linya sa tulang likha mismo ni Kyla Coleen R. Tadeo, Grade 11 student ng Montessori De Sagrada Familia.
Nitong nakaraang Miyerkules, Setyembre 20 taong kasalukuyan, muling sumabak na naman sa larangan ng pagtula ang isang simpleng bata na may pusong makata. Si Coleen ay sumali na noong nakaraang taon at nagkamit ng ikatlong puwesto. Kaya hindi na bago sa kanya ang patimpalak sa larangan ng pagtula.
Sa CAS Bldg. ng Baliuag University, muling umalingawngaw ang tinig ni Coleen, hatid ang tulang may pamagat na “Natatanging Kabataan,” na siya mismo ang lumikha at isinaayos na lamang ng kanyang gurong-tagapagsanay na si Bb. Roan I. Estay.
“Ma’am, gagawin ko po talaga ang best ko at magtitiwala sa will ni God sa akin.” Mga katagang namutawi sa bibig ni Coleen habang naghihintay sa oras ng kanyang paglaban. Paulit-ulit siyang tinatanong ng kanyang gurong-tagapagsanay kung siya ay kinakabahan, paulit-ulit din niyang sinasabi na hindi man lang siya nakakaramdam ng kaba. Mismong maririnig sa kaniya habang kausap ang isa pang kalahok na: “huwag mong isipin ‘yung kaba, para di ka kabahan.”
Tunay ngang ‘di matatawaran ang galing, husay ni Coleen maging ang tiwala sa sarili at tiwala sa Maykapal ay ‘di alintana. Kaya sa huli, nasungkit na naman niya ang Ikatlong Puwesto, mula sa 12 kalahok sa Pagbigkas ng Tula (SHS) hatid ng Bulacan Private Schools Association (BulPriSA) District III Meet. Hindi man pinalad na makasama sa mga lalaban sa Provincials, iba pa rin ang matamis na ngiting hatid ng isang batang kontento at masaya sa karangalang natamo. Pati ang karanasang ‘di malilimutan. Handa na siyang lumaban sa susunod na taon.
Isinulat ni: Bb. Roan I. Estay